Hello
Hindi ko madalas mapanaginipan ang nanay. Kapag napapanaginipan ko sya, alam kong meron syang gustong sabihin. Kagabi, kausap ko daw sya sa cellphone. Tumatakbo ang pangyayari sa isip ko — isa syang ofw sa kungsaang bansa. Mahina ang signal, at hindi ko maintindihan kung ano ang gusto nyang sabihin sa akin. Pero kinakausap ko sya, at may sinasabi sya. Hanggang sa nagising na ako at wala na. Hindi ko alam kung dahil ba sa nagtatae lang ako ngayon, nilalagnat, at may deadline na kailangang tagpuin. Andami kong kailangang isulat pa, pero wala akong maisulat. Hindi ko alam kung paano ito gagawin. Lutang na lutang ako.
Minsan, iniisip ko na hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko. Hindi. Gawin na nating madalas. Madalas, iniisip ko na hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko, kung bakit ko to ginagawa. Ayoko nang maging writer. Pero kapag iniisip ko kung ano ang kailangan kong pagdaanan para lang mabago ang aking kapalaran, parang ayoko rin naman gawin yon. Dahil ano ba ang kaya kong gawin? Maliban sa magsulat? Masagana ang buhay ng isang writer sa tv. May pera. Kung ikukumpara sa iba pang mga writer, o sa kahit na sinong gaya ko na hindi naman tapos ng kolehiyo at nakakapagtrabaho. Kapag umalis ako sa pagsusulat sa tv, sigurado akong magugutom ako. O kung hindi man magutom, alam kong hindi ko na magagawa ang mga bagay na kinasanayan ko nang gawin — bumili ng mahal na damit, kumain sa masarap na restawran, magpamasahe sa kungsaang spa, manuod ng sine, maglakad sa mall atbp. Mga bagay na ginagawa ko habang naghihintay ng bagong deadline, o habang umiiwas na harapin ang realidad ng pagsusulat. Nakakapangit ang pagsusulat. Pero nakakabuhay din. Kung hindi dahil sa pagsusulat, hindi ko mapupuntahan ang mga napuntahan ko, hindi ko mararanasan ang mga naranasan ko, hindi ko makikilala ang mga nakilala ko. Kung hindi dahil sa pagsusulat, hindi ako magiging ako.
Dati nung mas bata-bata pa ako, sabi ko hindi kailanman maaaring maging miserable ang isang writer. Dahil kahit ang pinakapangit na karanasan nya, pwede nyang paghugutan ng materyal. Bagay na pwede nyang paghugutan ng glorya. Kaya kapag nagugutom, exercise lang ang pinagdadaanan nya, para sa panahong kakailanganin nyang magsulat tungkol sa gutom. Kapag sawi sa pag-ibig, preparasyon lang yun para sa lovestory na magpapasikat sa kanya sa hinaharap. Hanggang ngayon naman, naniniwala pa rin ako sa ganito. Na pwedeng paghugutan ng materyal ang lahat. Pero parang hindi na ako naniniwala na walang miserable sa pagiging writer. Pwede kang maging miserable sa kahit na anong propesyon.
Kaya ko siguro ginawa ang blog na ito. Para sabihin sa inyo kung gaano ako kamiserable. Kung ano ang mga pinagdadaanan ko. Kung ano ang gusto kong pagdaanan. Siguro makakapagkwento rin ako ng mga bagay na masaya. Ewan. Pero siguro kung ano pa man ang maikwento ko, ang gusto ko lang din naman sabihin, hindi ako titigil sa pagsusulat.