Isang linggo na ang lumipas mula nang tawagan ako ni Sir Henry upang sabihin na magheheadwrite raw ako ng isang palabas na pang-hapon. Pinull-out ako sa isang teleserye na trinatrabaho namin mula pa noong isang taon para mailipat sa palabas na ito. Kanina, sinubukan kong ayusin ang konsepto para kung sakali mang makatihan nila akong tanungin kung kamusta na ang usad ng pag-iisip-isip ko tungkol dito ay may maipakita naman akong natapos ko na’t nagawa. Pero huminto ako sa pagsusulat at pag-iisip. Hindi ko pa masakyan ang kwento kahit pa kung tutuusi’y napaka-simple lang naman nito. Hindi ko sya maramdaman. Hindi ko sya mapag-isipan nang mahusay. Ang totoo’y tinatamad ako. Tinatamad ako at naguguluhan. Kaya ko bang maging headwriter talaga? Alam ko ba tong ginagawa ko?
Noong mas bata-bata ako’y pinagpapantasyahan ko ang panahong magiging headwriter ako ng sarili kong palabas — kung gaano ako magiging kahusay pagdating sa pagdebelop ng palabas na yon, mula konsepto hanggang sa storyline, characterization, arc, chaptering, hanggang sa presentations at mismong scripting. Naka-step by step na sya sa utak ko. Pero bakit ngayong eto na, may pagkakataon na para magawa ko ang lahat ng yon e parang nawawalan ako ng gana? Sadya nga atang mas masarap ang pantasya lang kesa sa totoong buhay. Gaya ng maraming iba pa, kapag ayan sa harapan mo’y biglang parang ayaw mo na. Hindi naman sa sinasabi kong ayaw ko nang maging headwriter. Natatakot lang ako sa kawalan ko ng gabay sa gagawin. Ngayong ikaw na ang dapat gumagabay sa mga writer mo’y gugustuhin mo rin palang kaya mong umasa sa mas nakakataas sayo.
Gayunpaman ay heto na ito. Kailangan ko na lang rin sigurong yakapin ang bagong inatang na responsibilidad. Kailangang kong gampanan ang kung anumang dapat gampanan. Ayoko rin namang mapahiya sa kanila na nagbigay sa akin ng kanilang tiwala. Bahala na.
Sa sabado pala, ipapalabas na ang una kong MMK episode. Sana maganda ang kalabasan. Kwekwentuhan ko kayo tungkol don sa susunod na mga araw.